FABayani Friday Marwin G. Romero

Malasakit, integridad at katapatan.

Iyan ang ating matututunan sa kwento ng ating #FABayani na si  Marwin G. Romero na nagpamalas ng huwarang katangian!

Isang waiter staff sa Pupung Grill & Restobar si Marwin. Tubong Mariveles, Bataan at nagtapos ng kursong Diploma in Information Communication Management Technology (DICMT) sa PUP-Bataan Branch. Unang nagtrabaho sa Essilor Mfg. Phils., Inc. bilang operator noong 2017 at ‘di nagtagal ay nagpa-lipat lipat rin ng trabaho sa mga kumpanya sa FAB.

Kung siya ang tatanungin, siya ay isang simpleng tao lamang na nagtatrabaho para sa ikabubuti ng kanyang pamilya.  Ngunit para sa amin, si Marwin ay hindi isang simple at normal na manggagawa lamang.

Siya ay maituturing na isang huwarang #FABayani sapagkat makailang ulit pinatunayan ni Marwin ang kanyang malasakit sa kapwa, integridad at katapatan. Hindi lang isa, hindi lang dalawa, kundi sa tatlong magkakaibang pagkakataon ay nagsauli siya ng gamit na naiwan ng kanilang mga customer sa Pupung Grill & Restobar.

Ang unang napulot ni Marwin ay isang wallet na naglalaman ng PhP 8,300, mga ID at iba pang cards. Inamin niyang nangangailangan siya ng pera noong panahong iyon ngunit una pa ring pumasok sa kanyang isip na ibalik ang hindi niya pag-aari. “Nagpapasalamat din po ako sa Diyos na mapagpala. Kasi kahit kailangan ko ng pera noong time na iyon ay hindi ko naisip kunin o buksan man lang ‘yung wallet”, ani Marwin.

Sa pangalawang pagkakataon ay nasubok muli ang kanyang katapatan nang mahulog ng isang lasing na customer ang kanyang ATM card palabas ng Pupung Grill. Hindi pa rin nag-atubili si Marwin na ibalik sa kanilang cashier ang card nang hindi na niya nahabol ang may-ari. At kamakailan lang ay nakapulot ulit si Marwin ng cellphone at siyempre, ang ating #FABayani ay walang pag-dadalawang isip na i-sinurrender ito sa kanilang lost and found nang walang bahid ng panghihinayang sapagkat batid ni Marwin na hindi siya ang nagmamay-ari nito.

Bihira ang mga taong katulad ni Marwin na handang gumawa ng tama at hindi hangad ang bayad, gantimpala o parangal bilang kapalit. Sana’y marami pang mga Pilipino ang maging ehemplo ng malasakit, integridad at katapatan sapagkat ito’y higit na kailangan ng ating bayan sa panahong ito.

#FABayaniFriday
#WeAreFAB

#AtinIto

Written by

AFAB