FABayani Friday Cyril Duatin
Sabi ng iba, ang buhay raw ay hindi paramihan kung ilang beses kang nadapa, kundi kung gaano ka kabilis tumayo.
Basahin ang kwento ng pagbangon ng ating #FABayani na si Cyril A. Duatin, ang isa sa mga nanalo bilang 2019 FAB Exemplary Worker!
Second year college noon si Cyril nang mahinto siya sa kanyang pag-aaral dahil sa maagang pagbubuntis. Dahil dito, labis-labis ang kanyang pagsisisi sapagkat hindi niya natupad ang kanyang pangako sa kanyang mga magulang na makatapos ng pag-aaral. Kaya naman pursigido ang dalagita na itama ang kanyang pagkakamali at bumawi sa kanyang pamilya.
Tubong Luna, Apayao, unang napadpad si Cyril A. Duatin sa Freeport Area of Bataan noong 2017 na ang tanging tangan ay pangarap at pag-asang makaahon sa buhay. Sa murang edad na 18-anyos, nakipagsapalaran si Cyril, kasama ang kanyang noon ay kinakasama na mangibang bayan at maghanap ng trabaho.
Nagsimula si Cyril sa BFD Global Footwear Manufatcuring Inc., noong taon ding iyon bilang isang simpleng taga-linis ng mga sapatos sa Assembly Cementing Section. Siya rin ay naging cementer at makalipas lamang ang tatlong buwan, siya ay naging handler na siya ring receiver, recorder, at barcoder.
Naging mabuting ehemplo si Cyril sa kanyang kapwa empleyado sa pamamagitan ng patuloy na pagiging mahusay na FAB worker at pagkakaroon ng kahanga-hangang track record. Dahil dito, makalipas lamang ang dalawang taon ay nag-training na siya bilang Assistant Line Leader ng Cutting Section at di naglaon ay naging isang ganap na Line Leader ng Assembly Cementing Section.
Patuloy na pinatutunayan ni Cyril ang kanyang pagsisikap at pagsisipag sa trabaho; sa nakalipas na tatlong taon niya sa BFD, nakatanggap siya ng mga pangaral – Employee of the Year noong 2018 and Best Line Leader of the Year naman noong 2019.
“Pagbutihin po natin ang ating pagtatrabaho hindi lang dahil kailangan natin ito kundi dahil mahal natin ang ating trabaho. Gawin nating inspirasyon ang ating pamilya, magsikap at magsipag – ito ang magdadala sa’yo sa tagumpay,” ani Cyril.
Sa kwento ni Cyril natin matututunan na ang matagumpay na tao ang siyang laging sumusubok. Hindi hadlang ang pagkabigo, pagkadapa o pagkasawi sa pag-ahon niya sa buhay. Bagkus, ang mga ito ay tinuturing niyang hamon upang ipagpatuloy pa ang kanyang pagsisikap at pagtitiyaga.
Ang mga matagumpay na tao ay ang mga taong hindi natatakot sumubok, may positibong pananaw sa buhay, at patuloy na lumalaban.
#FABayaniFridays
#WeAreFAB
#AtinIto
Written by
AFAB